?>

Ramadhan sa panahon ng kaguluhan Pakiki-isa sa Marawi

Ramadhan sa panahon ng kaguluhan Pakiki-isa sa Marawi

Isang malaki at napakaimportanteng pagdiriwang para sa mga Muslim ang Ramadan na nagsimula ngayong Sabado. Pero imbes na kasiyahan, marami sa mga mananampalataya sa siyudad na ito ang malungkot dahil sa gulo sa siyudad ng Marawi.



Isang malaki at napakaimportanteng pagdiriwang para sa mga Muslim ang Ramadan na nagsimula ngayong Sabado. Pero imbes na kasiyahan, marami sa mga mananampalataya sa siyudad na ito ang malungkot dahil sa gulo sa siyudad ng Marawi.

Isa na rito si Lisa, hindi niya tunay na pangalan, na hindi napigilang mapaiyak habang ikinukuwento ang kanyang nadarama kapag nakikita ang mga kamag-anak nilang lumikas sa Marawi at ngayo'y nananatili sa kanilang maliit na tahanan.

"'Yung feeling dapat kasi sana nagse-celebrate kami sa bahay ng pamilya ko. Right now, ang hirap tingnan kasi nagsisikipan kami. Tapos 'yung time na sana nagse-celebrate sana, happy, pero parang... magulo," naiiyak na ikinuwento ni Lisa.

Si Lisa ay namamahala ng kanilang tindahan at gasolinahan sa siyudad Iligan. Ang mga kapatid ng kanyang asawa ay meron din aniyang gasolinahan sa Marawi na sentro ngayon ng bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng Maute group.

Aabot sa mahigit 15 ang mga kamag-anak ni Lisa na lumikas at tumutuloy sa kanila ngayon. Aminado siyang kahit siya ay hindi nagtatanong masyado sa karanasan ng mga kapatid ng kanyang asawa dahil sa hiya. Pero, aniya, ramdam niya ang kanilang sakit. "Hindi ako nagtatanong pero alam ko worried sila. Gusto na nga nilang bumalik para i-check 'yung mga gamit nila pero mahirap ma-caught pa sila sa situation doon," aniya.

May negosyo rin sila sa Marawi pero ang inaalala nila ay ang buhay sa nasabing siyudad na sa kanyang pagsasalarawan ay masaya, payapa at maganda para sa negosyo at iba pang aktibidad bago sumiklab ang gulo.

"Ang buhay talaga ng mga nakatira doon, lahat ng tao ay nag-hahanap buhay tulad ng date. Bumebenta ka dito. Ang usual routine kasi doon ay bibili ka sa Iligan tapos babalik sila doon,"

Mensahe ni Lisa, hindi lang para sa mga kamag-anak, kundi maging sa mga napilitang lumisan sa tinaguriang Islamikong Siyudad sa Mindanao: Patuloy na manalangin dahil si Allah ay patuloy na nakikinig sa lahat.

"Pag-subok lang 'to. Parang test. Si Allah, tumitingin naman kung ano ang situation natin. Darating ang panahon na mawala 'yan. matapos ang gulo na 'yan. Alam ko masakit sa mga nakatira doon pero pray lang tayo. Allah ang nag-babantay sa atin," ani Lisa.

Ganito rin ang mensahe ni Muhammad Ali Adi, na nakapanayam natin, sa unang umaga ng Ramadhan matapos ang kanyang pananalangin. Ani Adi, panalangin ang matibay na makakapitan ngayon ng mga apektado ng kaguluhan.

"Tiis na lang muna tayo. Wala pa tayong magagawa kundi manalangin. Saka 'yung mga kapatid naman natin, mga nagpe-pray, 'yun ang pinapanalangin nila- na mawala na 'yung kaguluhan dito sa atin," aniya.

Kahit siya umano, hindi mapigilang malungkot kapag nakikita ang lungkot sa mukha ng mga lumikas na taga-Marawi at ngayo'y nagdarasal sa kanilang mosque.

"'Yung mga nag-silikas, di maganda 'yung pakiramdam nila. Siyempre kung baligtarin natin, tayo ang napunta sa ibang lugar na 'di natin kagustuhan, napakasakit nun," aniya.

"Maraming umiiyak. Kasi nung umalis sila, 'yung mga kagamitan nila naiwan, napakasakit din sa kanila," dagdag pa niya.
Ramadan sa bakwitan

Kung may mga bumakwit na may natutuluyang kamag-anak sa Iligan City o di naman kaya'y may nauupahan, meron din namang mga taga-Marawi na napadpad sa iba't-ibang evacuation centers sa mga karatig na bayan.

Sa Saguiaran, katabing bayan lamang ng Marawi, aabot sa mahigit 2,040 pamilya ang nananatili ngayon sa 10 iba't-ibang evacuation centers doon. Kasama na rito ang 109 kataong nadatnan natin sa bakwitan sa munisipyo.

Bukod sa siksikan na at mainit, wala pang matulugang maayos ang mga bakwit dito kundi karton. Ayon sa mga nananatili rito, kailangan din nila ng mga gamot lalo't marami sa kanila, lalo ang mga bata at matatanda, ang nagkakasakit na.

Sa maliit na evacuation center na ito nagtitiis magdasal at magdiwang kahit papaano ang mga Muslim na lumikas sa Marawi. Bagama't may mosque na malapit, iba pa rin aniya na ikaw ay nakapagdarasal sa sarili mong lugar.

Isa sa mga bakwit na nakapanayam ng ating news team doon ay si Aliasgar Ibrahim, na nang aming datnan ay masaya pa at palangiti. Pero nang maikuwento na niya ang karanasan, hindi na nito napigil ang pag-iyak.
Kuwento ni Ibrahim, hindi pa makalabas ang anim niyang anak at ang buntis niyang asawa sa Marawi kung saan tuloy pa rin ang pambobomba ng mga militar kontra sa mga teroristang nanggugulo doon.

Noong sila umano ay lumilikas, pinipilit niya ang kanyang asawa na sumama na sa kanila papunta sa bakwitan. Pero mas pinili aniya nitong manatili dahil hindi nila akalaing tataas ang tensiyon doon.
Ngayon, walang kontak si Ibrahim sa kanyang pamilya at hindi siya makatulog-tulog nang maayos sa evacuation center.

"Hindi namin alam kung buhay pa sila o ano.. 'Yan ang napasakit ko 'yung pamiilya ko. Di ko alam kung buhay pa sila o tinamaan na sila na ng bomba," naiiyak na kuwento ni Ibrahim.

Bukod sa evacuation center sa Saguiaran, marami rin ang bumakwit sa Barangay Maria Cristina at Buru-un sa Iligan. Medisina, matutulugan, kumot, pagkain, at tubig rin ang kanilang apelang tulong.

Ngayon panahon ng Ramadhan, may gulo man sa Marawi, iisa ang panalangin ng mga nakapanayam ng news team, bakwit man o simpleng residente ng Iligan at mga karatig nitong bayan: Kapayapaan para sa lahat.




Post your comments

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*